Archive for Hulyo, 2006

Maganda Ka!

Posted on Hulyo 26, 2006. Filed under: Ang maging babae, Opismeyts |

Habang tumatagal ay gumaganda ka sa aking paningin. Paano naman ay kakaiba ang pananaw mo sa buhay. Para sa iyo, ang mabuhay na walang iniisip o binabalak na masama sa kapwa ay sangkap upang gumanda hindi lamang ang buhay kung hindi ang aura ng isang tao. Napakadali mong pakiusapan, hindi dahil sa ikaw ay utu-uto kundi dahil nauunawaan mo ang bawat sitwasyon, lalo na kung ang isang tao ay nangangailangan ng tulong.

Hindi mo pinalalampas ang pagkakataon na ituwid ang mali. Para sa akin, napakaganda ng katangian mong iyon. Ano ang panama ng karamihan na nakangiti sa harapan yun naman pala’y umiismid sa pagtalikod ko? Kaibigan, sa bawat tangka mong magtuwid ng mali, nadadagdagan ang mga nilalang sa mundo na natututong eksaminin ang kanilang sarili, at magtanto kung ang ginagawa ay tama ba o mali. At, oo, hindi sa bayolenteng paraan. Siguro, nahihipnotismo sila ng malumanay mong pagbikas sa mga salita, sabay diin.

Anong kaibahan marahil ang naramdaman ng mga taong may koneksyon sa inyong trabaho dahil sa maayos mong pakikitungo at pakikipag-usap sa kanila. Hindi nila dati ramdam iyon noon – na sila ay mahalaga din naman sa ikot ng proseso ng mga sistema sa trabaho.

Higit sa lahat, kahit na doble-antso ka, seksing-seksi ka pa rin dahil sa malinaw at bukas mong isipan sa sekswalidad. Swak na swak tayong dalawa pagdating sa bagay na iyon. Walang kiyeme nating pinag-uusapan ang mga bagay-bagay tungkol sa buhay may-asawa, tungkol sa ating asawa, at tungkol sa ating relasyon sa kama, este, sa kanila.

Sa ilang ‘magaganda sa paligid’, paano ka kaya ipagpalit kay ‘ganda’ na mas pipiliing mas maganda siya sa mga kaibigan o kasama niya para angat siya (akala lang niya yun), o di kaya naman doon kay kondesang palaging nakataas ang ulo o noo kung maglakad (na para bang kasali sa Miss Universe contest) pero iniwan naman ng asawa? ‘Lam ko, ‘lam ko, dapat ay dahan-dahan ako dahil may dahilan ang bawat sitwasyon, kaya lang di kita ipagpapalit kay kondesang akala mo ay ang selan-selan, pero wala namang pambili ng P15 na pansit.

Malaya nating pinag-uusapan ang tungkol sa Diyos nang hindi na iisipin pa kung ano ang iyong relihiyon o sekta. Mas mahalaga kasi ang pagsasabuhay ng mga salita Niya, kaysa magsabing “Ako ay Kristiyano!” na di naman kayang isabuhay. At totoo, mas epektibo ang pagsasabuhay kaysa sa pagdedeklara. Actions speak louder than words, ika nga.

Maganda ka, at lalong gumaganda sa aking paningin.

Read Full Post | Make a Comment ( 8 so far )

Tapon Basura

Posted on Hulyo 14, 2006. Filed under: Mahahalagang bagay |

Sa aming lugar ay nauso mga batang kakatok sa pinto at magsasabi ng, “Ate, me basura kayo?” o di kaya naman ay, “Tapon-basura!” Kapag ibinigay mo ang mga supot ng basura, obligado kang mag-abot ng barya. Kadalasan ay limang piso ang ibinibigay ko, o dalawang piso (ayon sa aking makakaya), kada bata.

May isang bata sa aming lugar noon ang napakasipag mangolekta ng basura. Nagsimula siya nang siya’y anim na taon pa lamang. Malaki na ang batang iyon ngayon. Siguro ay nasa 11 taong gulang na siya, at madalang ko na siyang makitang mangolekta. Marahil ay nahihiya na rin. Naaalala ko pa noon na kapag lumapit na siya sa aming pinto, kahit hindi pa puno ang basurahan, iipunin ko ang ibang basura mula sa isa pang basurahan para lamang may maibigay sa kanya.

Naiisip ko kasi noon na kailangan ng bata ang pera. Siguro ay pambaon sa eskuwela. Mas magaan kasing mag-abot sa kanya kaysa sa mga lalaki o babaeng kalalaki ng katawan at kakatok sa pinto at manghihingi ng pera. Minsan ay aabutan ka ng sulat mula sa kung anu-anong sangay kuno ng pamahalaan, o mula sa kung anu-anong sektang pangrelihiyon. Kuntudo de pirma pa ang mga sulat. Minsan naman ay mga nasunugan daw sila at baka pwedeng makiamot ng kaunting pagkain o damit o pera. Binibigyan ko pa ang mga ito kasi baka nga naman nasunugan, e kaawa-awa naman.

Kadalasan ay si Papsie o si Nanay ang daratnan ng mga namamalimos na iyon. Kapag si Papsie ang daratnan, tiyak na may sasabihin iyon, tulad ng: “Dapat nga ako ang tulungan ninyo, mas malakas pa kayo sa ‘kin, e. Ako nga (sabay taas ng kaliwang kamay sa tulong ng kanang kamay) na-stroke. O, di ba, dapat ako ang tulungan ninyo?” At sa mga nag-aabot ng sulat, kadalasan ay ganito ang kanyang sinasabi: “Ano? Samahan ng mga kabataan?!? E, mukhang me mga anak na kayo, e. Huwag ka nang kumanta at wala naman akong ibibigay sa iyo.” Inis na inis kasi si Papsie dahil mga Christian songs pa ang mga inaawit, e ‘nangingikil’ naman daw.

Kung ikukumpara ang mga ito sa mga batang ‘tapon-basura’ ay napakalayo. Nagbabanat kasi ang mga batang iyon ng buto sa murang edad. At kung pagmamasdan mo sila kung paano matiyagang binubuhat ang mga bag o supot o sako ng basura, wala kang mararamdaman kundi paghanga.

Read Full Post | Make a Comment ( 2 so far )

« Mga Dating Lahok

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...