Tapon Basura

Posted on Hulyo 14, 2006. Filed under: Mahahalagang bagay |

Sa aming lugar ay nauso mga batang kakatok sa pinto at magsasabi ng, “Ate, me basura kayo?” o di kaya naman ay, “Tapon-basura!” Kapag ibinigay mo ang mga supot ng basura, obligado kang mag-abot ng barya. Kadalasan ay limang piso ang ibinibigay ko, o dalawang piso (ayon sa aking makakaya), kada bata.

May isang bata sa aming lugar noon ang napakasipag mangolekta ng basura. Nagsimula siya nang siya’y anim na taon pa lamang. Malaki na ang batang iyon ngayon. Siguro ay nasa 11 taong gulang na siya, at madalang ko na siyang makitang mangolekta. Marahil ay nahihiya na rin. Naaalala ko pa noon na kapag lumapit na siya sa aming pinto, kahit hindi pa puno ang basurahan, iipunin ko ang ibang basura mula sa isa pang basurahan para lamang may maibigay sa kanya.

Naiisip ko kasi noon na kailangan ng bata ang pera. Siguro ay pambaon sa eskuwela. Mas magaan kasing mag-abot sa kanya kaysa sa mga lalaki o babaeng kalalaki ng katawan at kakatok sa pinto at manghihingi ng pera. Minsan ay aabutan ka ng sulat mula sa kung anu-anong sangay kuno ng pamahalaan, o mula sa kung anu-anong sektang pangrelihiyon. Kuntudo de pirma pa ang mga sulat. Minsan naman ay mga nasunugan daw sila at baka pwedeng makiamot ng kaunting pagkain o damit o pera. Binibigyan ko pa ang mga ito kasi baka nga naman nasunugan, e kaawa-awa naman.

Kadalasan ay si Papsie o si Nanay ang daratnan ng mga namamalimos na iyon. Kapag si Papsie ang daratnan, tiyak na may sasabihin iyon, tulad ng: “Dapat nga ako ang tulungan ninyo, mas malakas pa kayo sa ‘kin, e. Ako nga (sabay taas ng kaliwang kamay sa tulong ng kanang kamay) na-stroke. O, di ba, dapat ako ang tulungan ninyo?” At sa mga nag-aabot ng sulat, kadalasan ay ganito ang kanyang sinasabi: “Ano? Samahan ng mga kabataan?!? E, mukhang me mga anak na kayo, e. Huwag ka nang kumanta at wala naman akong ibibigay sa iyo.” Inis na inis kasi si Papsie dahil mga Christian songs pa ang mga inaawit, e ‘nangingikil’ naman daw.

Kung ikukumpara ang mga ito sa mga batang ‘tapon-basura’ ay napakalayo. Nagbabanat kasi ang mga batang iyon ng buto sa murang edad. At kung pagmamasdan mo sila kung paano matiyagang binubuhat ang mga bag o supot o sako ng basura, wala kang mararamdaman kundi paghanga.

Make a Comment

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

2 Tugon to “Tapon Basura”

RSS Feed for Sa Aming Wika Comments RSS Feed

Ang hirap na nga pala ng buhay diyan. Pati basura ay binibili na rin. Ang naaalala ko nuon ay yung mga batang naghahanap lagi ng dyaryo, bote at garapa.

naku, irene. mahirap na talaga. makikita mo sa gabi ang mga batang ito. noong isang gabi lang, may nakita na naman akong grupo ng mga bata, mas bata. 3 taon lang yata yung isa.


Where's The Comment Form?

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...

%d bloggers like this: