Archive for Setyembre, 2006

Ang Pang-aakit

Posted on Setyembre 18, 2006. Filed under: Ang maging babae, Mahahalagang bagay |

Ipagpaumanhin, pero mas nais ko sanang isulat ang pamagat na Ang Paglalandi. Mahalay nga lang basahin. Dito siguro mas akma ang sinasabi ni Filipinayzd na code switching – mas maganda siguro kung ang pamagat ay flirteysyon o flirtation sa Ingles.

Sabi ng mga eksperto ang mga babae raw ay naglalandi o nagpli-flirt KAHIT KANINO lalo na kung may nakatingin. Isa itong paghahatid ng mensahe na gusto niya o type niya ang isang lalaki. Minsan ito ay pagpapahiwatig na gusto ng isang babae na makaniig ang isang lalaki. Pero hindi naman lahat ng pang-aakit ay nauuwi sa kama.

Minsan din naman ang mga babae ay ginagamit ang pang-aakit para sa kanilang mga balakin na maaaring ang ilan ay ang mga sumusunod:

  1. Nais makuha ang lalaking pinapantasya.
  2. Nais nilang ipakita na sila ay may kakayahang mang-akit (pisikal man o intelektwal).
  3. Nais nilang patunayan na sila ay mas maganda o mas seksi sa kasalukuyang ka-partner o asawa ng isang lalaki.
  4. Nais nilang matupad ang kanilang pangarap na umasenso sa kanilang piniling career.
  5. Nais nilang makuha ang kanilang gusto sa pinakamadaling paraan.
  6. Nais nilang kumita ng pera o magkaroon ng mga bagay na hindi nila kayang bilhin.
  7. Nais nilang magamot ang pagkabagot sa buhay.
  8. Nais sumubok ng mga bagay na kakaiba.

At sa ilang mga babae, ang dahilan ay mas nakakalungkot o nakakabahala:

  1. Kulang sa pansin (KSP) o nangangailan ng atensyon.
  2. May sakit na nymphomania.
  3. May sakit sa pag-iisip.
  4. May pagnanasang makaganti dahil sa masamang karanasan.

Anuman ang dahilan, ang mga kalalakihan, aminin man o hindi, ay nabibihag mas madalas nang walang kamalay-malay ng mga motibo ng mga babae. At wala nga namang mawawala sa kanila.

Hindi naman masagwang makita na ang isang dalaga ay ngumiti nang matamis sa isang lalaki o binata, kung iyon man ay matatawag na pang-aakit. Pero sadyang masagwa kung mapapansin na ang isang may-asawang babae ay lantarang nang-aakit ng mga lalaki, may asawa man o wala. At kapag sila ay nasita, baka mapagbintangan ka pang insecure o walang tiwala sa sarili, o mas malamang na isiping mas maganda sila o seksi.

Sa kulturang Pilipino noon, sabi ng matatanda, hindi nangangahas ang mga babae na magpakita ng kanilang nararamdaman sa mga lalaki. Sa ngayon, marami ang nagsasabi na mas bulgar ang mga babae ngayon at mas marami ang walang takot sa pagpapahayag ng kanilang mga kagustuhan at nararamdaman para sa mga kalalakihan. Bakit kaya nagkakaganito?

Maaaring noong unang panahon ay may mga babaeng nagnanais nang maging malaya mula sa hawla ng karaniwang paniniwala na ang babae ay walang karapatang magpahayag ng saloobin. Maaaring ang mga aktwasyon at pag-uugali ngayon ng mga kababaihan tungkol sa isyu ng pang-aakit ay resulta ng matagal na panahong pagpipigil. Maaaring ito ay resulta din ng mga impluwensiya ng ibang bansa, lalo na ng kanluranin.

Ano’t anuman, hindi dapat kalimutan na may responsibilidad tayong mga babae sa ating mga sarili at sa mga nakapaligid. Ito ay ang panlipunang responsibilidad na dapat nating gawin ang mga bagay-bagay nang hindi magdudulot ng sakit, pinsala, o kasiraan sa iba. Maaaring normal ang proseso ng pang-aakit, at nangyayari din ito sa kaharian ng mga hayop. Pero tayo ay higit pa sa mga hayop. Ang ating isip at talino ay nariyan upang magsabing tama o mali ang ating mga ginagawa.

Read Full Post | Make a Comment ( 8 so far )

Hayyy, Salamat sa Diyos!

Posted on Setyembre 12, 2006. Filed under: Ang maging babae, Mahahalagang bagay |

Sabi ‘yun ni Papsie. Paano kasi dumating na ang buwanang dalaw ko. Planado na kasi ang lahat sa amin na hindi na namin susundan ang aming mga supling. Unang-una, malalaki na sila at ipinangako nila sa amin na hindi nila kami tutulungang mag-alaga ng maliit na bata he he Peks man, sinabi nila ‘yun. Kung magkaka-baby daw kami at sila ang pag-aalagain e huwag na lang daw.

At dahil nga wala na kaming balak na magka-beybi ay nagpa-family planning kami at ang paraan namin ay ang rhythm method. Bukod sa pagbabantay ng cervical mucus, ginagawa di namin na tiyaking ang aming labing-labing ay mataon 1-5 araw bago at matapos ang aking buwanang dalaw. Sabi ng ilan ay safe pa rin naman ang hanggang 10 araw kaya lamang ang balita ko ay may sumasablay.

Hayun nga at ‘yun ang aming sinusunod pero mas madalas ay ang after kaysa sa before. Kadalasan ang before ay nagdudulot ng kaba kasi naaantala ng ilang araw sa inaasahan ang pagdating ng aking dalaw. Hindi ko alam kungbakit o baka nagkakataon lamang.

Kaya nga pareho naming naramdaman na gumaan ang aming mga dalahin dahil wala na kaming dapat alalahanin. “Hayyy, salamat sa Diyos!” Higit Niya talagang nalalaman ang aming saloobin at kagustuhan.

Pero maiba ako, nakakatawang marinig ang ibang mag-asawa na nagsasabing ‘nakakahiya naman kung mabubuntis pa ako (mabubuntis ka pa) e may edad na tayo”. Ano naman kaya ang nakakahiya doon? Kung hindi nga legal na asawa e nabubuntis, mas dapat sigurong walang dapat ikahiya ang legal na mag-asawa. Sa aking palagay hindi ito dapat na dahilan kung bakit dapat mag-alala kung mabubuntis ang isang babae sa kalagitnaan ng kanyang edad. Mas dapat na alalahanin ang kalusugan at kakayanan ng isang babae. Higit din na dapat alalahanin ang pinansyal at emosyonal na sitwasyon at kakayahn ng mag-asawa, di ba?

Read Full Post | Make a Comment ( 3 so far )

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...