Archive for Nobyembre, 2006

Kelan Kaya?

Posted on Nobyembre 27, 2006. Filed under: Mahahalagang bagay, pamilya |

Ang sarap ng Nips. Sa sarap, bibili ka ulit ng isang supot upang muli kang makakain ng tsokolateng ito. Pag naubos uli, bibili ka uli. Pero titigil ka din, kasi masasawa ka, sasakit ang lalamunan, uubuhin ka pa.

Kelan kaya mangyayaring magsawa ka sa kalokohan mo? Kelan ka kaya mauuntog at maglilinaw ang isip mo dahil sa pagkauntog? Kelan mo patatahimikin ang sarili mo at ang mga nakapaligid sa ‘yo? Talaga nga kayang nakahuhumaling ang lasa ng bisyo, katarantaduhan at kalokohan? Magsasawa ka rin kaya gaya ng pagkasawang mararamdaman sa paulit-ulit na pagkain ng nips? Kelan kaya?

Parang gusto ko nang magsawang manalangin, o isipin man lamang ang nangyayari sa ‘yo. Dahil sabi ng marami, walang kwenta ang pag-iyak sa isang walang kwentang tao.

Alam kong sa isang bahagi ng buhay ng tao, dumadaan ang pagkaligaw. Pero hindi ka na naliligaw, pinili mo na ang buhay na ‘yan – magulo, masalimuot, maramot, walang kabuluhan.

Kelan kaya, kapatid ko, darating ang pagbabago sa iyo?

Read Full Post | Make a Comment ( 3 so far )

Mga Tanong Mula sa Puntod

Posted on Nobyembre 4, 2006. Filed under: Mahahalagang bagay, pamilya, Samu't sari |

Naririnig kaya kami ng mga buto at kalansay na nasa loob ng mga nitso? Nababasa kaya nila ang kahungkagan ng mga panalangin na ginagawa lamang orasyon? Nararamdaman kaya nila na ang mga ito’y para lamang masabi ng mga nakakakita na sila ay banal at maka-Diyos kahit di naman makita sa gawa ang kabutihang nagmumula sa Diyos?

Binabantayan ang patay dahil sa inihain at inihanda ng buhay na di man lamang naaalalang dalawin o kumustahin o pasalamatan kaya. Ano kaya ang sasabihin ng kabiyak na kinain na ng lupa (kung ito nga’y makakapagsalita pa) sa kaawaawang lagay ng naiwan? Sabi ng nabubuhay, nais niyang gawin ang mga bagay para sa mga itinatangi nang sa gayon balang araw ay maalala ang kanyang mga ginawa para sa kanila. Pero heto ngang buhay siya ay napakadalang ang pagdalaw at ang pag-alala. Nararamdaman kong baka sa ilang panahon lamang matapos ng pagpanaw ay malimot na siya at di man lamang mabanggit gaya rin ng iba pang yumao na.

Ano ang kwenta ng pangngiti sa mga tila prinsesa, reyna at hari kung ang bawat paggalaw ng iba ay may kahulugan? Anong kwenta ang isiping magbabago pa ang mga ganitong klaseng tao kung maligalig talaga ang takbo ng pag-iisip at puno ng pananaghili ang puso? Dahil kaya sa ano ang lamig na ipinapakita kung walang malinaw na dahilan? Pagkatapos ng mainit na pagtulong ay isang walang buhay na pagtitig ang katumbas? Sadya kayang mapag-imbot at palalo? O di kaya nama’y may salang ginawa? Nagnakaw kaya, o naghabi ng kasinungalingan?

Totoo kaya na sa Araw ng Patay ay bumababá ang mga kaluluwa? Paanong bababá kung nasa ilalim ng lupa? Kung totoo man, nakikita kaya ng lumisan ang pagsusumikap na dalawin ang kanyang puntod at ang pag-alay ng bulaklak at kandila? Nasisiyahan kaya sa mga nakikita? Yumayakap kaya sila kahit hindi maramdaman? O nagbibigay man lamang ng isang damping halik sa pisngi ng mga iniwang minamahal?

Read Full Post | Make a Comment ( None so far )

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...