Ang maging babae

Malandi Mong Pag-ibig

Posted on Enero 18, 2007. Filed under: Ang maging babae, Mahahalagang bagay |

Pamagat ng awitin sa album ng Session Road. Bagong awit. Magandang himig.

Noong bata pa ako, maanghang na salita ang ‘malandi’ sa akin. Tuwing naririnig ko ang salitang ito, hindi maganda ang pakiramdam ko. Para akong sinisilihan. Gusto kong sapakin ang kalaro kong nang-aaway sa akin. Napakagaan kasi sa mga kabataan ang bitiwan ang mga salitang may mas malalim pa palang kahulugan.

Siyempre pa, ang mga batang tulad namin noon ay hindi pa talagang alam ang mga binibitiwang salita. Sa kainosentehan, kahit maseselang mga salita ay nasasabi dahil sa naririnig sa mga kalaro. Pero ano nga ba ang mayroon sa salitang malandi? Bakit ganoon na lamang ang pagkaayaw ko sa salitang ito?

Hindi man tuwirang sinabi na masama ang salitang ‘malandi’, nabuo sa aking isip na ito ay pangit na salita dahil sa mga naririnig ko. Pagdaan ng isang kumekembot na babae, narinig ko noon mula sa mga nanay na nag-uumpukan (nagtsi-tsismisan), “Tingnan mo namang lumakad ‘yang babaeng ‘yan, ang landi!” Sabi naman ng isang dalagita sa isang kapwa dalagita, “Mang-aagaw ng boypren. Malandi ka.” Paano namang hindi matatanim sa isang bata na ang salitang iyon ay hindi maganda?

Ngunit sa awiting iyon ng Session Road, hindi masama ang salitang iyon. Tila ba sinasabing normal lang ang maglandi. Parang tama naman dahil kasama naman sa proseso ng katawan ang pakiramdam na paglalandi.

Marahil din iba ang dating ng pariralang ‘malandi mong pag-big’ kaysa ‘malandi kang babae’. Magkaibang konteksto, ‘ika nga.

Advertisements
Read Full Post | Make a Comment ( None so far )

Ang Pang-aakit

Posted on Setyembre 18, 2006. Filed under: Ang maging babae, Mahahalagang bagay |

Ipagpaumanhin, pero mas nais ko sanang isulat ang pamagat na Ang Paglalandi. Mahalay nga lang basahin. Dito siguro mas akma ang sinasabi ni Filipinayzd na code switching – mas maganda siguro kung ang pamagat ay flirteysyon o flirtation sa Ingles.

Sabi ng mga eksperto ang mga babae raw ay naglalandi o nagpli-flirt KAHIT KANINO lalo na kung may nakatingin. Isa itong paghahatid ng mensahe na gusto niya o type niya ang isang lalaki. Minsan ito ay pagpapahiwatig na gusto ng isang babae na makaniig ang isang lalaki. Pero hindi naman lahat ng pang-aakit ay nauuwi sa kama.

Minsan din naman ang mga babae ay ginagamit ang pang-aakit para sa kanilang mga balakin na maaaring ang ilan ay ang mga sumusunod:

  1. Nais makuha ang lalaking pinapantasya.
  2. Nais nilang ipakita na sila ay may kakayahang mang-akit (pisikal man o intelektwal).
  3. Nais nilang patunayan na sila ay mas maganda o mas seksi sa kasalukuyang ka-partner o asawa ng isang lalaki.
  4. Nais nilang matupad ang kanilang pangarap na umasenso sa kanilang piniling career.
  5. Nais nilang makuha ang kanilang gusto sa pinakamadaling paraan.
  6. Nais nilang kumita ng pera o magkaroon ng mga bagay na hindi nila kayang bilhin.
  7. Nais nilang magamot ang pagkabagot sa buhay.
  8. Nais sumubok ng mga bagay na kakaiba.

At sa ilang mga babae, ang dahilan ay mas nakakalungkot o nakakabahala:

  1. Kulang sa pansin (KSP) o nangangailan ng atensyon.
  2. May sakit na nymphomania.
  3. May sakit sa pag-iisip.
  4. May pagnanasang makaganti dahil sa masamang karanasan.

Anuman ang dahilan, ang mga kalalakihan, aminin man o hindi, ay nabibihag mas madalas nang walang kamalay-malay ng mga motibo ng mga babae. At wala nga namang mawawala sa kanila.

Hindi naman masagwang makita na ang isang dalaga ay ngumiti nang matamis sa isang lalaki o binata, kung iyon man ay matatawag na pang-aakit. Pero sadyang masagwa kung mapapansin na ang isang may-asawang babae ay lantarang nang-aakit ng mga lalaki, may asawa man o wala. At kapag sila ay nasita, baka mapagbintangan ka pang insecure o walang tiwala sa sarili, o mas malamang na isiping mas maganda sila o seksi.

Sa kulturang Pilipino noon, sabi ng matatanda, hindi nangangahas ang mga babae na magpakita ng kanilang nararamdaman sa mga lalaki. Sa ngayon, marami ang nagsasabi na mas bulgar ang mga babae ngayon at mas marami ang walang takot sa pagpapahayag ng kanilang mga kagustuhan at nararamdaman para sa mga kalalakihan. Bakit kaya nagkakaganito?

Maaaring noong unang panahon ay may mga babaeng nagnanais nang maging malaya mula sa hawla ng karaniwang paniniwala na ang babae ay walang karapatang magpahayag ng saloobin. Maaaring ang mga aktwasyon at pag-uugali ngayon ng mga kababaihan tungkol sa isyu ng pang-aakit ay resulta ng matagal na panahong pagpipigil. Maaaring ito ay resulta din ng mga impluwensiya ng ibang bansa, lalo na ng kanluranin.

Ano’t anuman, hindi dapat kalimutan na may responsibilidad tayong mga babae sa ating mga sarili at sa mga nakapaligid. Ito ay ang panlipunang responsibilidad na dapat nating gawin ang mga bagay-bagay nang hindi magdudulot ng sakit, pinsala, o kasiraan sa iba. Maaaring normal ang proseso ng pang-aakit, at nangyayari din ito sa kaharian ng mga hayop. Pero tayo ay higit pa sa mga hayop. Ang ating isip at talino ay nariyan upang magsabing tama o mali ang ating mga ginagawa.

Read Full Post | Make a Comment ( 8 so far )

« Mga Dating Lahok

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...