Mga Henyo

Kaakit-akit…

Posted on Hulyo 9, 2006. Filed under: Mga Henyo |

Isa lamang itong aksidente.

Nakita ko ang magasin sa sala. Magasin pala ni Daryl sa asignaturang Filipino. Nang tingnan ko ay nagawi ako sa bahagi ng salindiwa kung saan naroon ang isang tulang pinamagatang “Awit ng Pag-ibig” na salin sa tulang “Cancion de la Amor” ni Pablo Neruda.

Una kong nasilayan ang pangalang Pablo Neruda sa kanyang blog. At mula noon ay nabighani ako sa ganda ng kanyang mga gawa. Dapat lamang siyang parangalan ng Nobel Prize.

Ang sumunod ay ang kabuuan ng tula na punung-puno ng damdamin.

AWIT NG PAG-IBIG

 

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.

 

 

Maisusulat ko, halimbawa: “mabituin ang gabi

At nanginginig, bughaw ang mga tala sa malayo.”

 

 

Lumiligid sa langit ang simoy-gabi at umaawit.

 

 

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.

Minahal ko siya, at minahal din niya ako paminsan-minsan.

 

 

Sa mga gabing ganito, ibinilanggo ko siya sa aking mga bisig

Ulit-ulit ko siyang hinagkan sa lilim ng walang hanggang langit.

 

 

Minahal din niya ako, paminsan-minsan ko rin siyang minahal.

Sino ang hindi iibig sa kanyang mga matang malaki’t tahimik?

 

 

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.

Maiisip kasing hindi na siya akin. Madaramang wala na siya sa akin.

 

 

Maririnig ang gabing malawak, at mas lumalawak kung wala siya

At pumapatak sa kaluluwa ang bersong tila hamog sa pastulan.

 

 

Ano naman kung hindi mabantayan ng aking pag-ibig.

Mabituin ang gabi at hindi siya kapiling.

 

 

Ito na ang lahat. May umaawit sa malayo. Sa malayo.

Hindi mapanatag ang kaluluwa ko pagkawala niya.

 

 

Upang waring ilapit siya, hinahanap siya ng aking mata.

Hinahanap waring ilapit siya ng aking puso, at hindi siya kapiling.

 

 

Ganito rin ang gabing nagpupusyaw sa ganito ring mga punongkahoy.

Kami, sa tagpong iyon, ang nagbabago.

 

 

Hindi ko na siya mahal, natitiyak ko, ngunit minahal ko siya nang todo.

Hinahanap ng tinig ko ang simoy upang hipuin ang kanyang pandinig.

 

 

Nasa iba. Siya’y nasa iba. Tulad noong katalik siya ng aking mga halik.

Ang kanyang tinig, malinaw na katawan. Ang kanyang matang walang hanggan.

 

 

Hindi ko siya mahal, natitiyak ko, ngunit baka mahal ko siya.

Napakaikli ng pag-ibig, napakahaba ng paglimot.

 

 

Dahil sa mga gabing ganito na ibinilanggo ko siya sa aking mga bisig.

Hindi mapanatag ang kaluluwa ko pagkawala niya.

 

 

Kahit ito na ang huling pighating ipapataw niya sa akin,

At ito ang huling mga bersong isusulat ko para sa kanya.

 

Sa mga linyang makapal ang titik, damang-dama ko ang pagmamahal ng sumulat sa taong nawala sa kanyang buhay. Feel na feel ko talaga ang tulang ito. Tunay na kaakit-akit.

Read Full Post | Make a Comment ( 19 so far )

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...